So many things have been written already about what had appened during the interfaith rally last friday in Makati on which throngs of students balooned through the streets of Ayala and Paseo de Roxas. The fervor and burning spirit of the youth proved to be the new catalyst for change in our beloved country hovered by a dark cloud for eight years now, and the darkening of clouds seems to be apocalyptic if powers-to-be still stay in power.
This show of calousness proved to be very "real" for us coming from De La Salle University - Dasmarinas. In the blog of one of our students Jhay at jrocas.com.ph, he perfectly retold the story of harrassment that we endured against the policemen as we tried to inch our way unto the Interfaith Gathering where our fellow students await for us. This is his full entry in Filipino:
"Harap-harapang naranasan ng mga guro, administrador at estudyante ng De La Salle Dasmariñas ang sistematikong paniniil sa mga demokratiko at sibil na karapatang pantao ng walang kasing-sama na Administrasyong Arroyo at panggigipit nito sa mga tao o grupong tututol o magiging kritikal dito kanina sa Bacoor, Cavite.
Matapos ang isang misa sa aming pamantasan, tumulak kaming mga taga DLSU Dasma para makiisa sa Inter-faith rally sa Makati City lulan ang 2 school bus ng aming pamantasan. Puno kami ng pag-asa at gustong-gusto nang makiisa sa mga libo-libong Pilipino na nagtipon na doon, lalo’t higit ang aming mga kapwa Lasalyano mula sa ibang paaralan. Pero ito ay sinabotahe ng mga kapulisan ng Cavite na nasa pamumuno ni Col. Posadas.
Bandang 2:44 ng hapon nang kami nakarating sa SM Molino, sa Daang Hari, Molino, Bacoor nang kami ay harangin ng PNP checkpoint sa naturang lugar. Hinanap at kinuha nila ang lisensya ng aming driver at ang registration ng aming school bus. Pareho namang ligal at tama ang mga papeles at wala naman kaming mga nilabag na batas trapiko o iba pang batas, pero hindi kami pinaalis agad ng mga pulis.
Sa halip, ang mga guro, administrador at kahit La Salle Brother na nakikipagnegosasyon sa kanila ay hindi nila pinapansin, iniiwasan at deadma lang. Ngayon ko lang nakita na aming Dekana at La Salle brother, na lubusang ginagalang naming mga estudyante, ay nagmukhang tanga na kumakausap sa hangin dahil ang mga pulis sa SM Molino checkpoint ay hindi namamansin.
Tumagal kami doon ng halos isang oras, kaya naisipan ko nang magtext sa mga kakilala kong bloggers; Tonyo Cruz, Mong Palatino, Neil ng es2pido.com at Ederic ng Tinig.com at sinabing i-blog o twit man lang ang aming sitwasyon.
Sa tuwing magtatanong kami, ang idinadahilan ng mga pulis ay “hi-way law” daw. Ano yung “hi-way law” na iyon? Walang maisagot ang mga pulis at muli kaming hindi pinapansin.
Unang Makati: Daang Hari
Dahil kami ay halos 45 minuto nang hinaharangan sa Daang Hari, tumawag na kami sa mga kontak naming media, pati na rin ang hepe ng Cavite PNP na si Col. Posadas. Kahit na nagkakausap na si Col. Posadas at ang pinuno ng Daang Hari check point na si Col Quilinguen, hindi pa rin kami pinapadaan.
Nauubos na ang aming oras at nang nakikita naming binabali-wala ang aming mga pakiusap, tama at ligal na pangangatwiran, napagdesisyunan na naming doon na isagawa ang aming rali kung kinakailangan. Kaming lahat ay gumawa ng ingay, inilabas ang aming mga tarpaulin at hinimok ang mga dumadaang motorista na bumisina bilang suporta. Natutuwa naman kami at marami sa kanila ang tumugon. Ang mga ilang guro namin ay humaharang pa sa mga dumadaang sasakyan, truck man o kotse, upang dumami ang mga susuporta sa amin.
Nang lumalaki ang kaguluhan sa check point na iyon, napagpasiyahan nilang padaananin na kami, pero hindi sa Daang Hari. Sinabi nila na bumalik sa Aguinaldo Hi-way dahil doon daw talaga papapadaanin ang mga sasakyan at dagdag pa dito, may “operations” daw na ginagawa ang PNP sa ruta namin kaya bumalik na lang daw sa Aguinaldo Hi-Way.
Ang walang-habas at garapalang pagsisinungaling ni Col Posadas at Cavite PNP
Inakala namin na tuluy-tuloy na kami sa Makati nang pinabalik kami sa Aguinaldo Hi-way. At narinig namin sa DZBB ang pahayag ni Col Posadas na hindi dapat hinaharang ang mga papunta sa Makati. Ngunit sa kabilang banda, may kutob kami na naisahan kami ng mga pulis. Kaya namin tinahak ang Daang Hari sa halip na Aguinaldo Hi-way ay alam naming mas maraming check point dito at mabigat ang daloy ng trapiko.
Totoo ang aming hinala. Pinasalamatan pa man din namin ang mga pulis sa Daang Hari checkpoint, sumaludo pa kami at ngumiti sa kanila. Yun pala, mga ngiting-aso at buwaya ang mga ngiti nila sa amin.
Pagdating namin sa kanto ng SM Bacoor, sa Aguinaldo Hi-way, muli kami ay pinatabi at ininspeksyon ang mga papeles ng aming bus. Dahil may “assurance” kami mula kay Col Posadas na hindi na dapat kami harangin, ito ang aming naging sangkalan nang makipag-negosasyon muli kami sa pulis na huramang sa amin. Matapos ang halos 20-minutos ng negosasyon at paghihintay, sinabi nila na pwede na kaming makalampas. Ngunit, tulad ng panlilinlang sa Daang Hari, may inihandang surpresa sa amin ang PNP.
Ang harassment mula sa kulay puting Toyota Tamaraw FX na may plakang UDJ-927
Nang matawid namin ang intersection sa kanto ng SM Bacoor, napansin namin na may puting Tamaraw FX na may plakang UDJ-927 ang tumigil sa aming harapan. Noong una, inakala namin na ang bulok at kakarag-karag na puting FX ay isa lamang sa mga ordinaryong motorista na naiipit sa trapiko.
Pero kakaiba ang ikinilos nito dahil kahit na lumuluwag ang kalsada sa harapan nito, hindi ito bumibilis, bagkos mabagal na tumatakbo sa harapan ng aming bus, kaya lalong bumagal ang aming takbo. Walang pinagkaiba sa pagharang na ginawa ng mga pulis.
Lalong lumantad na ang puting FX na ito ay asset o pakawala ng mga pulis dahil sa tuwing ang isa sa aming bus ay makakauna sa daan, ito naman ang uunahan nito at papabagalin ang takbo dahil mabagal siya aming unahan.
Lasing o tanga ang driver ng puting FX, dahil lagi siyang nasa gitna ng dalawang lane na okupado ng aming mga bus. Pero hindi lasing, tanga o bobong driver ang nagmamaneho nito. Sinasadya niyang dumikit, humarang at pabagalin ang aming takbo.
Sa ilang pagkakataon na sinubukan namin na ma-overtake siya sa daan, biglang bumibilis ang puting FX para makauna uli, at saka muling babagal siya para bumagal din kami. Ilang beses din naming sinubukan maka-una, pero sa bawat pagsubok namin, pilit niyang inihaharang ang puting FX, muntik na pa ngang sumabit o bumangga ang bus namin sa puting FX.
Dito na kami kinabahan, dahil may hinala kami sa kanyang palabas. Sadya niyang hinaharangan ang aming bus, at kapag nakipag-karera kami, gigitgitin nya kami kahit pa magkabanggaan ang aming mga sasakyan. Lalabas siya at aawayin ang aming driver na lalong magpapatagal sa amin sa Aguinaldo Hi-way.
Nasulyapan namin ang driver at isa pa niyang pasahero sa loob ng puting FX. Ang driver ay nakasuot ng t-shirt na may itim na “media vest” ang kasama naman niya ay malaking tao na ayon sa isa sa mga guro namin, ay ubod daw sila ng pangit. Walang duda, asset nga sila o sila mismo ay mga pulis.
The police put our lives in danger
Ito ang nasabi ng isa sa mga kasama kong estudyante nang muntik nang bumangga ang puting FX sa aming bus, sa kagustuhan nitong harangan at gitgitin kami. Kahit pa may masaktang mga estudyante, guro o La Salle brother ay gagawin nila, mapigilan lang kaming makarating sa Makati.
Ilan sa mga kamag-anak ko ay pulis, noon ay taas-noo ako sa pagsasabing may kamag-anak akong alagad ng batas. Mga taong nagsisilbi at pumuprotekta sa mamamayan. Pero sa aming karanasan kanina, ang mga pulis ngayon ay mga tau-tauhan na lamang ng kurakot, magnanakaw, mapaniil, at pasistang administrasyon ni Gloria “evil” and “bitch” Macapagal-Arroyo.
Bakit pilit nilang hinarahang ang 2 bus ng mga estudyante, guro at relihiyoso? Wala naman kaming baril, wala kaming armas, wala kaming bomba. Tanging mga sarili lamang namin ang aming dala. Magdadasal lamang kami sa Makati at hindi lulusob sa Malacañang. Pero bakit kami hinaharangan, ginigipit at nilalagay nila sa panganib?
Ngunit hindi pa iyon doon natapos. Alas-6 na ng gabi at dahil hindi na kami makakaabot sa Makati, napagpasiyahan naming bumalik na lang sa Katedral ng Imus o kaya sa De La Sale Dasmariñas. At para matapos na ang aming duelo, nilapitan namin ang puting FX at sinabing uuwi na lang kami. Sumagot naman daw sila ng “sige..” at kami ay pumihit na pabalik sa Dasmariñas.
Lalo lang kaming nalagay sa alanganin nang makita namin sa sumusunod pa rin ang puting FX sa aming bus! Dito ay talagang nagalala na kami. Sumuko na kami sa pagkakataong iyon pero naroon pa rin ang mga walang-hiyang pulis sa puting FX na nakabuntot sa aming bus.
Nang masalubong namin ang van ng FM radio station 101.9 at kahit alam naming hindi sila istasyong tagapagbalita, humingi kami ng tulong na bantayan ang puting FX at itimbre ito sa mga kakilala nilang mga media. Palagay namin ay naging epektibo ito dahil nang kami ay nakarating na sa Imus, wala na ang puting FX sa aming likuran.
Checkpoint-less checkpoint
Ang plano ng mga pulis ay sadyang i-delay ang mga papunta sa Makati na manggagaling sa Kabite. Dahil nang nakita ng ilan sa aming mga guro ang “checkpoint” sa Zapote-Bacoor junction, halos 50 pulis na may kasamang militar, na kumpleto sa gamit at matataas na kalibre ng baril ang nakarahang doon. Isa-isa nilang pinapadaan ang mga sasakyan kada-15 minutos.
Wala namang ginagawang “checking” ang mga pulis, hinihintay lang nila na makalipas ang 15-minutos saka nila pinapatuloy ang BAWAT sasakyan. Malinaw na paglabag sa mga alituntunin sa pagsasagawa ng “checkpoint.”
Nakakulong sa Bacoor
Ito ang sitwasyon namin kahapon sa Aguinaldo Hi-way, tama nga ang pangalan ng kalsadang ito, kapangalan ang isa sa mga pinakamalaking taksil sa kasaysayan ng sambayanang Pilipino. Dahil kami ay pinagtaksilan ng mga Pulis. Sila na nanumpang “to serve and protect” the people.
Kalokohan!!!
Nalilimutan nilang ang kanilang suweldo, mga gamit, baril, uniporme, sasakyan at gasolina ay nanggagaling sa mga buwis na binabayaran naming mga mamamayan.
Mas malala pa sa Batas Militar!
Ang aming mga karapatan sa pamamahayag, paglalayag, sa impormasyon at tamang proseso ay garapalan, harap-harapan at walang habas na nilabag ng mga tao mismong ang tungkulin ay proteksyunan at paglingkuran kaming mga mamamayan.
Ang mga instrumento ng estado para sa ikabubuti ng taumbayan ay ginamit ng Administrasyong Arroyo na walang kasing halang ang bituka, itim ng budhi at kasamaan ng kaluluwa.
Ngunit kami ay nagtagumpay
Iniisip ni Col Posadas, ng driver ng puting FX at ng mga pulis na huramang sa amin na nagtagumpay sila sa pagharang sa amin, dahil hindi kami nakarating sa Makati. Totoo yun, at inaamin naming may mga pagkukulang sa aming bahagi.
Pero, tagumpay pa rin kami dahil ipinakita ng mga taga La Salle Dasmariñas na ang mga Kabitenyo ay hindi lahat taksil, kampon ng kasamaan, abusado at kontra-mamamayan. Ipinakita namin na ang mga Kabitenyo ay matatapang at lumalaban para ipagtanggol at igiit ang ating mga karapatan, kalayaan at hindi titigil hangga’t hindi nakakamit ang katotohanan at hustisya.
Ipinakita namin sa buong Pilipinas, kung gaano kasama, kagarapal, mapanupil, abusado at kurakot ang Administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo. Nakakalungkot lamang na naging kasangkapan ng kanyang kasamaan ang mga pulis sa Kabite.
Hindi man kami nakarating sa Makati upang magdasal at makiisa sa paghahanap at pagtatanggol sa ating mga kalayaan, karapatan, katotohanan at hustisya, pero sa 2 checkpoints kung saan kami ay hinadlangan, inabuso, ginipit at garapalang nilinlang ng mga alagad ng gobyerno, kami ay lumaban sa kaya naming paraan, ang mag-ingay, ikwento at ipamalita sa lahat, na sobra at sukdulan na sa kasamaan, panggigipit at opresyon ang gobyernong Arroyo.
Sa harassment at paglalagay sa panganib ng aming buhay dahil sa puting FX, ipinakita namin na walang pakialam ang gobyernong Arroyo, kahit pa may masaktan o mamatay na sibilyan, kahit estudyante, manatili lamang ito sa kapangyarihan.
Tuloy ang laban
Inaakala siguro ng administrasyong Arroyo na dahil sa munting tagumpay na ito ay panghihinaan kami ng loob at susuko na ng tuluyan. Nagkakamali sila. Lalo na ngayon na naranasan namin ang lubusan at garapalang kasamaan nito, ipagpapatuloy namin ang paninindigan at pakikibaka para sa katotohanan at hustisya.
Sa bawat pagbabahagi namin sa mga kwentong ito, dumarami ang mga namumulat sa katotohanang ang administrasyong Arroyo ay administrasyon ng kasamaan, kasakiman, pagpapahirap, at opresyon. Walang pakundangang binabastos at tinatapakan ang mga karapatan ng mamamayan handang manakit at kumitil alang-alang sa pagpapanatili nito sa kapangyarihan.
Umaasa kami na ang rali kahapon sa Makati ay simula pa lamang, at sa mga darating na mga araw, dadami at lalong lalakit ang mga mobilisasyon na ito. Hindi kami titigil hangga’t hindi nakakamit ng sambayanang Pilipino ang katotohanan at katarungan.
Ang mga estudyante, guro, administrador at relihiyoso sa De La Salle Dasmariñas at ang mga kasamahan naminsa Kabite ay patuloy na maninindigan at susulong para sa katotohanan at katarungan. Nagsisimula pa lamang ang ating paglaban!
Share Some Love, Share This Post and Spread the News
Show some LOVE, Like this Page on Facebook
No comments:
Post a Comment